Pagtaas ng Presyo ng mga Produktong Petrolyo
Date published: Feb 2 2026 02:00 PM
MEDIA RELEASE
02 February 2026
Pagtaas ng Presyo ng mga Produktong Petrolyo
Taguig City — Ipinababatid ng Kagawaran ng Enerhiya (DOE) sa publiko na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na magiging epektibo sa 03 Pebrero 2026, bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ang naturang pagtaas ay dulot ng ilang factors, kabilang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at ang umiiral na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na maaaring magdulot ng pagkaantala o pagkagambala sa suplay ng langis. Dagdag pa rito ang nagpapatuloy na hamon sa suplay mula sa Russia, Kazakhstan, at Libya, gayundin ang malamig na panahon sa Northern Hemisphere na nagreresulta sa mas mataas na demand para sa enerhiya.
Dahil dito, inaasahang magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa lokal na merkado.
Bilang tugon at bahagi ng corporate social responsibility (CSR) ng mga kompanya ng langis, pinasasalamatan ng DOE ang patuloy na pagbibigay ng diskwento ng piling gasoline stations para sa mga public utility vehicles (PUVs), na naglalaro mula P0.50 hanggang P3.00. Kinikilala rin ng Kagawaran ang mga ipinatutupad na loyalty discounts para sa mga pribadong motorista. Ang mga inisyatibong ito ay mahalagang ambag upang makatulong na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa sektor ng transportasyon at sa araw‑araw na biyahe ng publiko.
Tinitiyak ng DOE sa publiko na patuloy nitong mahigpit na minomonitor ang kalagayan ng pandaigdigang pamilihan ng langis at aktibong nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay nananatiling patas, makatwiran, at sumusunod sa umiiral na batas.
Hinihiling ng Kagawaran ang pang-unawa ng mga konsyumer at ng publiko habang patuloy nitong sinisiguro na ang mga produktong petrolyo sa merkado ay de-kalidad at nasa tamang sukat, alinsunod sa mga itinakdang pamantayan.
Para sa karagdagang impormasyon, maaari kayong makipag-ugnayan sa Department of Energy sa infocenter@doe.gov.ph. ###
.png)
